JUST AS I thought. Naisaloob ni Jake nang masaksihan si Diana na naghihintay sa labas ng pinto ng unit ni Alexis. Hindi sila nagkita buong araw dahil may ilang mahahalagang bagay siyang kinailangang ayusin sa hotel kaya binalak niya itong sorpresahin nang gabing iyon.
Pero nakita niya ang pag-alis ng kotse ng dalaga noong papasok na siya sa village kung saan ito nakatira. Bukas ang bintana sa driver's seat pero hindi nito napansin ang nadaanan nitong sasakyan niya dahil mukhang napakalalim ng iniisip nito. Ilang linggo na itong ganoon kaya napagpasyahan niyang sundan na lang ito at lihim na umasa na sa ginawa ay masasagot ang mga tanong niya sa likod ng mga ikinikilos nito.
Siya mismo ay may nabubuo nang sagot sa kanyang isip pero walang araw na hindi niya hiniling na sana ay hindi ang mga iyon ang totoong kasagutan. Simula nang bigla na lang hindi nagpakita kay Diana ang best friend nito ay parati nang natitigilan ang dalaga. Best friend. Mapakla siyang napangiti sa naisip.
Hindi niya pa man nakikita noon si Alexis ay hindi na maganda ang kutob niya. Siguro dahil madalas na laman ng bawat kwento ng dalaga ang matalik na kaibigan nito na noong nanliligaw pa lang siya ay isa na sa mga ipinag-aalala niya. Lalaki ang tinuturing na best friend nito. At ilang pagkakaibigan na ba sa pagitan ng isang babae't lalaki ang naging matagumpay nang walang minalas na nahuhulog isa man sa mga iyon?
There will always be a tendency of someone to fall in love with his or her best friend. Alam na alam niya iyon. Dahil doon din siya nanggaling. Dahil mismo sa ganoong bagay kaya nasira ang samahan nila ni Leandra, ang kanyang matalik na kaibigan mula pa pagkabata.
Nang sa wakas, makita niya si Alexis ay hindi na nagkaroon pa ng kapayapaan sa puso niya. May kung anong madilim na bagay na hindi maikakaila sa pagkatao nito na agad ring naaalis tuwing kasama nito si Diana. Para itong gabi na nagkakaroon lang ng liwanag sa pamamagitan ng buwan, buwan na nagkataong ang kanyang si Diana.
At si Diana... parati itong nagliliwanag tuwing kasama siya. Nararamdaman niya na napapasaya niya ito. Napaka-transparent nito kaya madali iyong makita sa mga magagandang mata nito. Pero pakiramdam niya, dumodoble ang liwanag nito tuwing ang best friend nito ang kasama. Mahal siya ng dalaga... at parati niyang ipinagmamalaki na minahal siya ng tulad nito. Dahil ito ang kabuuan ng babaeng papangarapin ng lahat ng lalaki.
Na kay Diana na ang lahat. Masarap kasama, malambing, matalino, at mabuting tao. Bonus na lang kung tutuusin ang ganda nito dahil mas una niyang napansin ang kakaibang tibok ng puso niya nang makita niya ito kaysa sa kagandahang taglay nito. Nararamdaman niya na mahal siya nito. Pero bukod doon, may iba pa siyang nararamdaman.
Naupo si Jake sa kanto ng pasilyo at sumandal sa malamig na pader. Hindi siya mapapansin doon ni Diana maliban na lang kung lilingid ito papunta sa elevator. Sinilip niya ito. Mukha pa ring naghihintay ito sa pagdating ni Alexis habang paulit-ulit na nagda-dial sa cell phone nito.
Ako, Diana, maisip mo rin kaya akong tawagan ngayon?
Nang siguro ay mapagod sa pag-dial ay frustrated na ibinaba ni Diana ang cell phone sa tabi nito. Pumikit ito at sumandal sa pinto. Nang hindi makatiis, inilabas ni Jake ang cell phone sa bulsa ng suot na amerikana at idinayal ang numero ng dalaga. Nakita niya kung paano ito naging alerto. Mabilis na dumilat ito at agad na tiningnan ang cell phone. Pero nang makita na sa iba nagmula ang inaasahan nitong tawag, bumakas ang panlulumo sa mukha nito. Dahan-dahan nitong ibinaba ang cell phone at hinayaang mag-ring iyon. Ngayon lang nito iyon ginawa sa kanya.
Kusa na rin siyang tumigil sa pagtawag. Muli siyang sumandal sa pader at mariing ipinikit ang kanyang mga mata. Ngayon ay aaminin niya na. Mahal siya ni Diana pero may mahal rin itong iba. Mahirap na ang may kahati sa puso ng taong mahal mo pero mas mahirap iyong hindi mo alam kung pantay ba ang pagkakahating iyon o mas nakakahigit ang porsiyento ng isa niya pang minamahal bukod sa 'yo. Nag-init ang kanyang mga mata sa naisip.
Bagay na maging magkaibigan sina Alexis at Diana. They were both the fools who fell in love with each other. Pero parehong natatakot na umamin. He should know. Pinagdaanan iyon sa kanya ni Leandra. Sino nga ba namang hindi matatakot umamin kung ilang taong pagkakaibigan ang nakataya?
Kung maglalakas-loob kang umamin, malaki ang posibilidad na mawala hindi lang ang best friend mo kundi ang taong mismong minamahal mo. Pero kung hindi ka aamin, puso mo ang itataya mo. Dahil manghihina at manghihina iyon sa bawat araw na hindi nailalabas ang pagmamahal na nasa loob niyon. Manghihina iyon hanggang sa masaid iyon. At mas nakakatakot iyon.
Ang katotohanang iyon ang dahilan kung bakit nagmadali si Jake na maikasal kay Diana. Natatakot siyang mauntog na lang ito isang araw at ma-realize na dalawa sila ni Alexis na laman ng puso nito. Natatakot siyang kapag dumating ang araw na iyon ay iwanan siya nito dahil na-realize nitong mas matimbang ang pagmamahal nito para sa best friend nito. Gusto niyang maikasal na sila agad para hindi na ito magkaroon ng pagkakataong iwanan siya. Dahil nakatali na ito sa kanya. Makasarili siya, oo. Pero nagmamahal siya sa kauna-unahang pagkakataon at ayaw niyang mawala iyon.
Susugal siya sa pag-ibig. Hangga't walang umaamin kina Alexis at Diana, hangga't hindi nagbabago ang pasya ng dalaga na pakasalan siya ay patuloy niyang ipaglalaban ang pagmamahal niya. Natuklasan niya na pagdating sa pagmamahal, kung sino ang nananahimik ang siyang talo. Hindi pwedeng hindi ka magsalita o kumilos dahil mapag-iiwanan ka. At wala siyang balak magpaiwan.
Until then...
Muli niyang sinilip si Diana na nanatiling nakasandal sa pinto. Mukhang buong gabi silang maghihintay roon... sa magkaibang rason.
Hangga't kaya ko, makikihati ako, Diana. Para sa 'yo... Para lang sa'yo.
AGAD na nahinto sa pag-ikot at pagsayaw si Diana nang makita si Alexis na nakatayo ilang metro ang layo sa kanya at pinapanood siya. Naramdaman niya ang pamumula ng kanyang mga pisngi nang sumilay ang amused na ngiti sa mga labi ng binata bago ito dahan-dahang naglakad palapit sa kanya.
Bigla, pakiramdam niya ay nasa loob siya ng isang napakagandang pelikula at pinanonood si Alexis habang ito ang bida at kasalukuyang humahakbang sa lugar na iyon na puno ng mga bulaklak. Nililipad ng mabining hangin ang hanggang balikat na buhok nito.
Nasa flower farm si Diana nang mga sandaling iyon sa Tagaytay. Iniregalo iyon sa kanya ng ama nang makapagtapos siya ng kolehiyo. Doon nagmumula ang mga bulaklak na ibinebenta niya sa flower shop. Sabado nang araw na iyon pero may mga trabaho na kailangang asikasuhin si Alexis kaya inihatid lang siya nito roon pagkatapos ay dumeretso na sa opisina nito.
Ang usapan nila ay kinabukasan na lang siya nito babalikan at ihahatid sa Maynila kaya hindi niya inakalang darating ito nang hapon na iyon.
"Why did you stop?" Nangingiti pa ring tanong ng binata nang makalapit na sa kanya.
"Stop teasing me." Nahihiya pa ring itinakip ni Diana ang mga kamay sa kanyang mukha.
Tuwing weekends ay sa flower farm siya madalas nagpupunta para alisin ang stress niya mula sa buong linggong pagtatrabaho. She liked to be alone with the flowers there. Ibang klase siyang mag-alaga sa mga bulaklak. Hindi niya lang basta dinidiligan ang mga iyon kundi kinakantahan at sinasayawan rin. Wala pang kahit na sino sa pamilya o mga kaibigan niya ang nakakaalam ng gawain niyang iyon maliban sa ilang mga tauhan niya roon na nakasanayan na siyang makitang ganoon. Pero ngayon, hayun at nabuking na siya. Kahit tatlong taon niya nang kaibigan si Alexis, nahihiya pa rin siyang mahuli nito sa ganoong sitwasyon.
"Come on, I'm not teasing you." Marahang inalis ni Alexis ang mga kamay ni Diana na nakatakip pa rin sa kanyang mukha. Itinaas nito ang baba niya para magsalubong ang kanilang mga mata. "I'm appreciating you. Mabuti na lang pala at na-postpone ang meeting ko. Kung hindi, hindi kita makikitang mag-perform. Mukha pa namang ipinagkakait mo sa akin ang mga ganitong bagay." Kinindatan siya ng binata. "You look wonderful, Diana. You looked wonderful dancing while lost in your own precious little world. Para kang 'yong mga bulaklak rito. You're blooming."
Naiiling na napangiti na lang si Diana. "Bolero ka talaga kahit kailan. I just get really crazy when I'm here. Gano'n ako sa mga bulaklak. Hindi ko lang sila basta kinakausap. I sing and dance for them. I know its weird kaya nga wala akong hinahayaang makakita sa akin nang ganito maliban sa mga tauhan ko-"
"It's okay, Diana. Nakita ko na. Wala ka nang magagawa." Tumawa si Alexis. Sandaling natigilan si Diana. Buhay na buhay ang tawang iyon at napakasarap sa pandinig. "It's weird, yes. But in a beautiful way. Besides, wala ka namang dapat ipaliwanag. Ako lang 'to. You can always be crazy around me." Inabot ni Alexis ang kanyang kamay at inikot-ikot siya sa malawak na tanimang iyon. Muli siyang kinindatan nito. "Let's dance some more for the flowers to grow some more." Mayamaya ay nagseryoso ito. "Sana ganito na lang ang totoong mundo. Maliit man pero masaya. Makulay. Maganda. Sana dito na lang tayo nakatira."
"Oh, Axis. I missed you," garalgal ang boses na bulong ni Diana sa kawalan. Ang eksenang iyon sa pagitan nila ng binata ang parati niyang naaalala tuwing pumupunta siya ng flower farm. Apat na araw na lang bago ang kanyang kasal pero hindi pa rin sila nagkikita.
Habang lumilipas ang mga araw, parating nadaragdagan ang kung anong kulang sa pagkatao niya. Napahugot siya nang malalim na hininga. Naglakad siya papunta sa sentro ng flower farm. Ipinikit niya ang mga mata at pilit na ipinahinga ang pagod na isipan bago muling umikot at sumayaw roon tulad ng nakagawian niya.
"Amazing. As always."
Kumabog ang dibdib ni Diana. Automatic siyang napahinto sa ginagawa at agad dumilat pagkarinig sa baritonong boses na iyon. Gaya nang una siyang masaksihan ni Alexis ay nakatayo ito hindi kalayuan sa kanya. Nakapaskil ang amused na ngiti sa mga labi nito.
"Axis!" Dali-daling tinakbo niya ang natitirang distansiya sa pagitan nila ng binata. Pumaloob siya sa nakabukas na mga bisig nito. Namasa ang kanyang mga mata nang sa wakas ay muling maramdaman ang mainit na yakap nito. "Where have you been? Axis, I was so worried about you."
"I've been to everywhere," mahinang sagot ng binata. "Trying to find peace."
HUMIGPIT ang pagkakayakap ni Diana kay Alexis. "Did you find it?"
Comments
The readers' comments on the novel: Don't Let Me Go, Diana