Login via

Don't Let Me Go, Diana novel Chapter 7

"I'M TRULY sorry, Ma'am and Sir. Nagkaroon po kami ng maliit na tampuhan ng prinsesa ninyo kaya nakawala po siya sa renda ko. Hindi ko po sinasadya. I promise this won't happen again." Agad na sinabi ni Alexis sa mga magulang ni Diana na sumalubong sa kanya sa pinto ng mansyon ng mga ito nang gabing iyon.

Buong araw na hindi mapakali si Alexis dahil kay Diana mula nang ipaalam sa kanya ni Manang Renata na nanggaling sa kanilang bahay ang dalaga at nagmamadali ring umalis matapos siyang makita sa kanyang kwarto. Marahas na napabuga siya ng hangin. Simula nang maging malapit siya sa dalaga, hindi na siya kailanman tumingin sa ibang babae. Sapat na sa kanya ang presence ng itinuturing niyang bestfriend. Kung tutuusin, higit pa nga sa sapat si Diana.

Nagkataon lang na matapos niyang ihatid ang dalaga noong nagdaang gabi, naabutan niya ang senador sa kanilang bahay. Nagkainitan sila uli nang utusan siya nitong magtrabaho sa architectural firm ng panganay nitong anak kapag naka-graduate siya. Ito raw mismo ang magrerekomenda sa kanya roon.

Kahit kailan, hindi na yata darating pa ang panahong mauunawaan ni Alexis ang senador. Lulubog at lilitaw ito sa buhay niya at sa oras na lumitaw, gusto pa siyang kontrolin. Anong gusto nito? Ang araw-araw iparamdam sa kanya ang pagiging bastardo niya sa oras na magtrabaho siya sa ilalim ng pamamalakad ng legal nitong anak?

Diana had become a necessity in his life. Sa tuwing nasasaktan si Alexis, ang dalaga ang nagsisilbing gamot niya. Ang ngiti nito, ang malamyos na boses, ang mga titig na puno ng pagtanggap at ang yakap nito ang naging sandalan niya. Sa tabi nito ay naiibsan ang lahat ng sakit. Sa tabi nito, natututunan niya ang ngumiti uli. Pero hindi niya makuhang tawagan o puntahan si Diana matapos ng argumento nila ng senador dahil dis-oras na ng gabi. Nakahiyaan niya nang abalahin pa ito kaya sa isang bar siya napadpad. Doon niya nakilala ang babaeng nadatnan nito sa kwarto niya.

Heck, ni hindi niya matandaan ang pangalan ng babaeng iyon. Nang malaman niyang umalis si Diana ay nagmamadaling hinabol niya na ang dalaga. Ibinilin niya na lang ang estranghera sa kanyang kwarto kay Manang Renata matapos niyang mag-iwan ng pera.

Tinawagan niya si Diana sa mansyon ng mga ito. Pero hindi daw ito umuwi roon ayon sa kasambahay na sumagot ng kanyang tawag kaya inisa-isa niya ang mga flower shops na madalas nilang bisitahin noon pati na ang mga lugar na paborito nilang puntahan pero hindi niya ito natagpuan.

Walang sinagot si Diana isa man sa mga tawag at text messages niya. Iyon ang kauna-unahang pagkakataong ginawa iyon sa kanya ng dalaga kaya kanina pa parang may nagrarambulang daga sa kanyang dibdib dala ng pag-aalala. Kung hindi pa tumawag sa kanya ang ina ni Diana at ipinaalam na nakauwi na raw ang anak nito at inihatid ni Laurice, siguradong nasa kalsada pa rin siya hanggang ngayon at tuliro sa paghahanap.

Nakakatakot palang magtampo si Diana. Tatandaan niya ang pagkakataong iyon at sisiguruhing hindi na iyon mauulit pa. Ayaw niya nang makaramdam uli ng ganoong uri ng pag-aalala at takot lalo na at inalis na sa wakas ang mga bodyguards ni Diana. Iyon ang hiniling nito sa mga magulang bilang graduation gift: ang makalaya mula sa mga bantay nito. Sigurado man siyang napipilitan lang ang mga magulang ni Diana ay pinagbigyan pa rin ito sa kahilingan nito.

Inihanda na ni Alexis ang kanyang sarili sa sermon ng mga magulang ni Diana nang makapasok ng mansiyon. Sinenyasan siya ng mga itong maupo sa sala. Ninenerbiyos na tinapik-tapik niya ang kanyang binti. Kung gaano siya kakomportable sa anak ng mag-asawang Ferrel ay ganoon naman siya katensyonado pagdating sa mga ito. Siguro, dahil alam niyang hindi pa buo ang pagtanggap ng mga ito sa kanya bilang matalik na kaibigan ni Diana kahit pa hinahayaan siya ng mga itong makabisita sa mansiyon. Parating civil ang mag-asawa tuwing nakikita siya.

"Alam mo bang halos kilala ka na namin dahil ikaw ang laman ng mga kwento ni Diana araw-araw?" Simula ng ina ni Diana. "We almost memorized everything about you from your favorite color down to your favorite food. That's how much you've influenced our daughter. At siyempre, masaya kami. Dahil hindi na siya gaya ng dati na parang napipilitan lang kung pumasok, na parang napipilitan lang kung ngumiti o makisaya sa iba. She had forgotten about the pain brought by Yves' death. And that was fine. Hanggang sa mabalitaan namin mula kay Laurice na ikaw ang dahilan kung bakit siya nagpakalasing ngayon sa kauna-unahang pagkakataon. Alexis, can't you consider our princess as someone more than your best friend?"

Nabigla si Alexis. "Ma'am?"

"Oh, quit with the ma'am and sir thing. From now on, just call us tito Lino and tita Martha." Ngumiti ang ginang. "You've passed our test. Araw-araw sa nakalipas na mga buwan, lihim na pinasusundan pa rin namin kayo ni Diana sa mga dating bodyguards niya. At wala naman kaming maipipintas. Lahat ng mga litratong ipinakita sa amin nina Nick at Ador ay puro masaya at nakangiti ang anak namin at-"

Hinawakan ni tito Lino sa kamay si tita Martha na para bang pinatatahimik ang huli. "Ako na, Martha. Masyado ka nang nagiging madaldal." Marahang sinabi nito bago hinarap si Alexis. "We did a background check on you the very first time Diana mentioned you to me and Martha. Kaya nang una tayong magkita, kilala na kita. Bukod pa sa kasosyo ko sa negosyo ang iyong ama."

Napalunok si Alexis.

"Alam mo bang kahit kailan ay hindi ko nagustuhan ang iyong ama? Until now, I'm still wondering why the heavens gave him the balls when the lesbians deserve those more than him. Ang senador ang dahilan kung bakit ayoko sa 'yo noong una. Pero nagawa mong ibangon at patunayan ang sarili mo, Alexis. Wala ka nang gulong sinalihan at ayon sa source ko, nangunguna ka daw sa klase n'yo ngayon. That's something, son." Sa wakas ay ngumiti si tito Lino. "Diana was right fighting for you."

Comments

The readers' comments on the novel: Don't Let Me Go, Diana