Login via

Don't Let Me Go, Diana novel Chapter 8

"I DON'T know what it is but she drives me crazy. I don't know what she does but she drives me wild. And only she can let me be the man I wanna be or she can leave me helpless as a child..."

Kasabay ng paghinto ng mga daliri ni Alexis mula sa pagkalabit sa kanyang gitara ay ang paghinto rin ng kanyang pagkanta dahil sa pagpasok ng hindi inaasahang babae sa napakalawak na gymnasium. Pero parang walang nakapansin ng ginawa niya sa mga naroroon. Sa halip ay nahawi ang mga tao at lahat ng mga mata ay nakatuon sa prinsesang dumating... ang kanyang prinsesa.

Diana. Ang buong akala ni Alexis ay hindi na pupunta sa Valentine's party nila ang dalaga. Dalawang araw din siya nitong hindi kinibo. Nang nagdaang gabi lang sila nagkasundo. At nang makapag-usap na sila, sinabi ni Diana na hindi na ito pupunta pa sa party. Wala siyang nagawa. Alam niyang nagtatampo pa rin ang dalaga. Gustuhin niya mang samahan na lang ito sa mansiyon ng mga ito, nakapangako na siyang tutugtog ang kanyang banda sa party.

Mahilig siyang tumugtog. Isa iyong katangian na namana niya sa kanyang ina. Pero hindi sumagi sa isip niya na isang araw ay magagawa niyang tumugtog sa harap ng publiko. It was Diana who made him join their campus band. Nagkataon namang sinuwerte siyang makapasok bilang vocalist. Wala silang gig na hindi pinuntahan ng dalaga. Kaya aminado siyang hindi siya masayang tumugtog sa gabing iyon dahil nawawala ang inspirasyon niya. Nawawala ang kanyang Diana.

Pero hindi niya inaakalang sa pagdating nito, siya mismo ang mawawala. Bigla ay hindi niya na matandaan ang mga salita, ang lyrics ng kantang ilang araw din nilang inensayo ng mga kabanda. Nakatitig lang siya sa isang partikular na lugar... sa pwesto ni Diana na nakatitig rin sa kanya nang mga sandaling iyon. Sa kanya lang. Ni hindi na nito napapansin ang puno ng paghanga at pag-asam na mga tingin rito ng mga lalaking bigla ay pumalibot rito. Napuno ng pagmamalaki ang puso niya.

In her black ball gown, Diana looked breathtaking. Para itong isang maningning na bituin na nangibabaw sa lahat ng mga naroroon. Gusto niyang bumaba sa stage. Gusto niyang protektahan ang dalaga. Gusto niyang mambakod. Pero pakiramdam niya, napako ang kanyang mga paa sa kinatatayuan dahil sa mga salitang mula sa kung saan ay naglaro sa kanyang isip.

"I'm in love with you, Axis."

Hindi niya binanggit kay Diana ang mga sinabi nitong iyon noong gabing lasing ito. Iniwasan niyang pag-usapan ang bagay na iyon. Hindi niya kaya. Hindi pa sa ngayon na naduduwag siya nang husto.

"Alex!"

Napipilitang inalis ni Alexis ang tingin mula sa matalik na kaibigan. Napalingon siya sa likuran kung saan naroroon ang kanilang drummer na si Roy, ang tumawag sa kanya. Bakas ang iritasyon sa anyo nito. "Ano? Nganganga ka na lang ba d'yan? Impress the princess! Sing!"

Naisuklay ni Alexis ang mga daliri sa kanyang buhok dala ng pagkapahiya. "I... I forgot the lyrics. I'm sorry."

"Heaven forbid!"

"Nakikini-kinita ko na 'tong eksenang 'to, eh. Mabuti na lang at boy scout ako," ani Earl na siyang in-charge sa keyboard. Inabot nito kay Alexis ang lyrics sheet. "Hindi ko nga lang in-expect na ikaw mismo ang makakalimot, Alex. It wasn't you. Ang akala ko nga ay kami. You know how much we fancy your bestfriend. Natakot kaming baka kami ang mawala sa tono sakaling mahabag ang langit at dumating si Diana ngayong gabi."

Shit. Pinagpawisan si Alexis nang marinig ang pagbubulungan ng mga tao. Wala na siyang oras para pansinin pa ang kislap sa mga mata ng kabanda dahil sa biglang pagsulpot ni Diana. "Pwede bang mag-swap na muna tayo, Earl? Ako na sa keyboard. Ako pa rin naman ang kakanta."

Mabilis na tumango si Earl. Hindi na nagdalawang-salita pa si Alexis dahil kahit ito ay tensyonado na rin nang mga oras na iyon. Pumuwesto siya sa likod ng keyboard. Meron ding lyrics sheet na nakalagay doon. Mabuti na lang at bawat isa sa kanila ay maalam sa instrumento. Siniguro iyon ni Roy, ang tumatayong leader ng kanilang banda para sakali daw magkaroon ng aberya ay masasalo nila ang gawain ng isa't isa. Sa hudyat ni Roy ay muli silang nagpatuloy sa pagtugtog.

"I don't know what it is but she has the power. She can make me laugh when I wanna cry. She tells me that I'm in control but I know it's just a lie. And I don't mind, no..." Muling pagkanta ni Alexis. Ipinikit niya ang mga mata para makaiwas sa tuksong hanapin si Diana. Parang panang tumatagos sa puso niya ang bawat salita ng kanta dahil ganoong-ganoon ang nararamdaman niya ngayon.

Wala siyang alam sa pagmamahal. Pero masarap sa pakiramdam na mahal siya ng nag-iisang kaibigan niya. Hindi niya alam kung may kapasidad siyang makaramdam ng katulad ng nararamdaman nito. Alam niyang nagiging makasarili siya. Dapat ay iniwasan niya na si Diana nang matuklasan niyang lumampas na sa boundary ang nararamdaman nito. May posibilidad na mas masaktan ito at mas mahirapang maka-move on nang dahil sa patuloy niyang paglapit rito. Pero si Diana na lang ang meron siya. And he would rather die than stay away...

"Alexis, can't you consider our princess as someone more than your best friend?" Ang mga salita namang iyon ng ina ni Diana ang sumunod na naglaro sa isip niya. Diana remained an epitome of perfection in his eyes. At alam niya, lumipas man ang maraming taon ay mananatiling ganoon ang tingin niya sa kaibigan. Napakarami nitong positibong emosyon na ipinakilala sa kanya mula nang dumating ito sa buhay niya.

Sa piling ni Diana, walang kahirap-hirap ang ngumiti at ang maging masaya. Sa tabi lang nito siya nakakaramdam ng kakaibang katiwasayan. Parang bukal na lumilinis sa makasalanan at madilim na puso niya ang simpleng paghawak nito sa kanyang kamay. Pero gaano man siya kasaya kapag kasama ito ay ayaw niyang sumugal at itaas ang lebel ng relasyon nila.

Paano kung sa huli ay masaktan niya lang si Diana? Paano kung sa huli ay sirain ito ng pagmamahal nito para sa kanya? Paano kung matuklasan nitong hindi pala siya ang nararapat na lalaki para rito? Mahihirapan na sila pareho na ibalik sa dati ang lahat kung sakali. Natatakot siya dahil hindi niya kayang mawala ang dalaga sa buhay niya. Masyadong espesyal ang relasyong meron sila para isugal niya. Mas mapapanatili niya ito sa kanyang tabi kung pananatilihin na lang nila ang kung anumang mayroon sila ngayon.

"When you're looking in her eyes you can see forever. You're captured by the beauty of her soul. You know you're never gonna find a woman like this again. So don't let go..."

Sa pagtatapos ng kanta ay hinayaan ni Alexis na buksan ang kanyang mga mata. Sumalubong sa kanya ang bulto ni Diana na may kasayaw nang iba. Bigla siyang naglihis ng tingin.

What the heck is wrong with you, Alexis? Bigla ay kastigo niya sa sarili. Your relationship with her doesn't give you the right to get... fucking jealous. Magkaibigan. Lang. Kayo. Ginusto mo 'yan. Panindigan mo.

Seven years later...

"KINAYA ko." Hindi makapaniwalang naibulong ni Diana nang makalabas ng airport. Napagtagumpayan niya ang pagsubok para sa sarili. I didn't die from a heartache.

Comments

The readers' comments on the novel: Don't Let Me Go, Diana