Login via

Once Upon A Time novel Chapter 14

“WHAT’S the matter? Bakit ka umiiyak?” Nagmamadaling nilapitan ni Dean si Selena nang maabutan niya ito sa kanilang kwarto na lumuluha habang nakatitig sa laptop nito. Naupo siya sa tabi nito sa kama at mabilis na pinahid ang mga luha nito.

“I read something on the internet.” Emosyonal pa ring sagot ni Selena. “Wala daw forever.”

Pigilan man ni Dean ay natawa pa rin siya. Simula nang magbuntis si Selena ay naging emosyonal na ito. Pero walang kaso iyon sa kanya. Ikinaaaliw niya pa ngang makita ang ganoong side nito. Selena can really be cute at times. Marahang iniangat niya ang baba nito para magsalubong ang kanilang mga mata. “Believe in forever. It does exist.”

Napasigok si Selena. “Talaga?”

“Yes.” Nangingiti pa ring tumango-tango si Dean. “Forever is you and me sitting next to each other. Forever is us. Forever is right here, right now, mahal. Kaya ngumiti ka na. ‘Wag kang magpapaniwala sa mga nababasa mo sa internet.” Kinindatan niya ang asawa. “Tayo ang magpapatunay na may forever.”

Nahigit ni Dean ang hininga nang sa wakas ay ngumiti na si Selena. Hindi niya alam kung paano nito iyon nagagawa nang walang kahirap-hirap. Every single day, she just takes his breath away. Bahagyang tumambok ang mga pisngi ng asawa. Mas nagkalaman ito. Pero mananatiling ito ang pinakamagandang buntis na nasilayan niya.

Hanggang ngayon ay hindi niya pa rin mapaniwalaang asawa niya na si Selena. Mabilis pero masayang lumipas ang mahigit apat na bwan nila sa isla sa St. Lucia kung saan sila dinala ni Lilian. Ang isla na iyon ay regalo raw ng nobyo ni Lilian rito na isinunod pa sa pangalan nito.

Kahit pa nahihiya na si Dean kay Lilian na itinuturing niya na ring kaibigan ay aminado siyang tama ang sinabi nito, ligtas nga sila ni Selena sa lugar na iyon. Nasa hilagang bahagi ng Amerika iyon kaya walang makakakilala sa kanila roon ni Selena. Bihira rin silang umalis roon. May mga katiwala roon si Lilian na siyang umaalis ng isla para sa mga pangangailangan nila.

Ganoon pa man ay sinisikap nila ni Selena na hindi tuluyang maging pabigat sa mga kaibigan. Malaki na ang ipon ni Dean sa ilang taong pagtatrabaho sa ATC na lahat ay kinuha niya sa bangko ilang araw bago siya umalis ng Pilipinas. Kahit si Selena ay may malaki ring ipon bukod pa sa malaki ring pera at mga alahas na ipinadala rito ng ina nito sa pamamagitan ni Domingo. Gustuhin man nilang bayaran kahit paano ang pananatili nila sa dalawang palapag na bahay ni Lilian sa isla ay matigas ang naging pagtanggi nito.

Iginiit ni Lilian na pwede silang manatili sa isla ni Selena hangga’t gusto nila o hangga’t patuloy pa rin daw sa pagpa-powertrip ang kani-kanilang mga pamilya. But Dean and Selena still try to make a living. Itinuloy niya ang pagpipinta na siyang hilig niya na noon pang bata siya. Nagkaroon ng interes roon si George, ang Fil-Am na fiancé ni Lilian na minsang isinama nito sa isla. Si George ang siyang humikayat sa kanyang maglagay ng mga gawa niya sa gallery ng kakilala nito. At sa pagkagulat niya ay may mga tumatangkilik at bumibili ng mga iyon ng higit pa sa presyong inaasahan niya.

Si Selena naman ay nagdi-desenyo pa rin ng mga damit. Kumuha ito ng mga magiging katuwang sa kabilang isla na makakatulong nito sa pananahi ng mga damit na ginuguhit nito. Ang mga damit na iyon ay ibinibenta ni Lilian sa internet. And Selena had acquired a lot of clients already. And he will always be proud of her. Ni minsan ay hindi niya naringgan ang asawa na nagreklamo tungkol sa buhay nila o sa hindi niya alam kung kailan matatapos na pagtatago nila.

Pero sa kabila ng lahat ay hindi kailanman masasabi ni Dean na mahirap ang buhay nila. It was always fun and colorful. Bumalik ang mga kulay sa buhay niya nang muling makasama si Selena. Araw-araw siyang mayroong awtomatikong ngiti sa mga labi. Araw-araw siyang puno ng motibasyon at pagmamahal sa puso niya.

Kulang isang bwan pagkarating nila sa St. Lucia nang magpakasal sila ni Selena. Simpleng seremonya lang iyon na ang mga naging witnesses lang ay sina Lilian at George pati na ang mga katiwala sa rest house at ang mga inimbitahan nilang staff ni Selena sa pananahi. Gustuhin mang pumunta ni Chynna roon ay hindi pwede dahil baka ma-trace ito lalo pa at ayon rito ay pinaghahanap pa rin sila ng mga kaanak nila dahil sa malaking eskandalong nagawa nila.

Mayroon raw mga kalalakihang parating sumusubaybay kay Chynna saan man ito magpunta. Ilang ulit na rin daw itong piniga nina Adam at ng ama ni Selena sa impormasyon pero dahil sa katapatan nito sa kanilang mag-asawa ay nananatiling tikom ang bibig nito.

Selena deserves everything. And Dean just wished that one day; he will be able to give her that. Nakikita niya na masaya rin ang asawa sa piling niya pero sana isang araw ay maging ganap na ang kasiyahan nito. Sa ginawa niya ay alam niyang lalong magbabaga ang galit sa kanya ng kanyang mga kaanak pati na ng ama ni Selena pero umaasa sila na isang araw ay magkakaroon ng milagro at matatanggap na ng mga ito ang pagmamahalan nilang dalawa. Lalo pa ngayong magkaka-anak na sila. And they were having twins. Sa naisip ay lalong lumawak ang pagkakangiti niya.

Hindi na makapaghintay pa si Dean na makita ang mga maliliit na bersyon ng asawa. Hinaplos niya ang maumbok nang tiyan nito pagkatapos ay muling humarap sa asawa. Masuyong kinintalan niya ito ng halik sa mga labi.

“Hindi ka ba nagsisisi, mahal?” Mayamaya ay hindi napigilang tanong ni Dean. Iyon ang tanong na madalas pumapasok sa isipan niya. “Kilalang-kilala ka na sa Pilipinas but you are starting from scratch here as a designer. ‘Tapos hindi mo pa magamit ang sarili mong pangalan sa mga disenyo mo dahil lang sa pagtatago natin sa mga pamilya natin. Don’t you regret ever choosing me?”

“Mas magsisisi ako kung wala ako sa tabi mo ngayon, Dean. Wala akong pinagsisisihan sa buhay ko ngayon. Kahit pa makipaglaro tayo ng tagu-taguan habang-buhay sa mga pamilya natin, walang kaso sa akin.” Pilyang ngumiti si Selena. Malambing na ikinulong nito ang mga pisngi ni Dean sa mga palad nito. “Loving you is the best thing that I ever did in my whole life. Choosing to be with you is the second.”

Para bang may kung anong init na lumukob sa sistema ni Dean matapos ng mga narinig. Napatitig siya sa altar hindi kalayuan sa kama nila ng asawa bago gumuhit ang ngiti sa mga labi niya. Mali siya ng inisip noon tungkol sa sarili. Pinagpala siya at hanggang ngayon ay patuloy na pinagpapala pa rin ng Diyos. Maganda pa rin ang buhay.

Seven months later…

AGAD na napahinto sa paghakbang papasok sa master’s bedroom si Selena nang maabutan ang tumatawang asawa habang nakikipaglaro sa kanilang mga anak. Kambal ang mga naging anak nila ni Dean. Isang babae at isang lalaki ang mga iyon na ang mga pangalan ay kinuha nila mula sa bibliya. Shera at Elijah ang pangalan ng mga ito.

Si Elijah ay kamukhang-kamukha ni Dean habang kay Selena naman nakuha ni Shera ang karamihan sa mga physical attributes nito. Ang asawa at ang kanilang mga munting anghel ang masasabi ni Selena na pinakanatatanging kayamanan niya sa mundo. Hindi niya alam na posible palang maramdaman ang uri ng kasiyahan na nadarama niya simula nang manganak siya. Mahirap pero nakayanan niya. Lalo pa at ni minsan ay hindi binitiwan ni Dean ang kamay niya habang nagli-labor siya.

The pain of her pregnancy became bearable because Dean was there. At ngayong isang buong pamilya na sila, pakiramdam ni Selena ay wala siyang hindi makakaya. Wala siyang hindi magagawa. Kung makikita kaya ng kanilang mga kaanak ang nakikita niya ngayon, lalambot kaya ang puso ng mga ito?

Chapter 14 1

Comments

The readers' comments on the novel: Once Upon A Time