NAKAHINGA nang maluwag si Selena nang sa wakas ay sagutin ni Adam ang tawag niya. Napasulyap siya sa kanyang relo. May labing limang minuto pa mahigit bago ang oras ng pagkikita nila ng binata. Pero hindi na siya mapakali. Ganoon siya parati sa tuwing may fashion show at ilo-launch ang mga damit na siya ang nag-design. Kahit pa kampante sa mga likha ay kinakabahan pa rin talaga siya.
Si Adam ang nangakong susundo sa kanya at siyang magiging escort niya sa gabing iyon. Sa tuwing mayroon silang okasyon na pupuntahan na may kaugnayan sa kani-kanilang mga trabaho kung saan muli silang haharap sa mata ng publiko ay parati naman siyang nasasamahan ng kanyang fiancé, sa awa ng Diyos. Sa mga date o personal na lakad lang nila talaga madalas na sumasablay ang binata.
Inipit ni Selena sa pagitan ng tainga at balikat ang cell phone pagkatapos ay pinagkiskis ang nagpapawis na mga palad. “I’m getting really frantic here, you see.” Idinaan niya sa tawa ang tensyong nararamdaman. “Are you on your way now?”
“Selena, I’m really sorry. Paalis ako ng office pero sa Singapore ako dederetso ngayong gabi. Biglaan kasi. Pero pangako, babawi ako sa ‘yo pagbalik ko. I have an urgent meeting with a client. Pero ‘wag kang mag-alala. I already asked Dean to accompany you-“
Napaawang ang bibig ni Selena. Naglaho ang kabang nararamdaman niya. Sa halip ay ibang uri ng panlalamig ang lumukob sa kanya. “Anong sinabi mo?”
Narinig niya ang pagbuntong-hininga ni Adam sa kabilang linya. “I’m really sorry, sweetheart-“
“Parating dumaraan ang pasko at bagong taon. Doon lang tayo nagkikita ng maayos at may mga kasama pa tayo. Hindi pa ‘yon nagtatagal. Dumaraan din ang Valentine’s Day. Siyempre, mero’ng celebration sa company kaya nagkakasama uli tayo. But during those times, you were busy talking with colleagues or even with your clients again.” Wala sa loob na wika ni Selena. “Dumaraan parati ang birthday ko. Minsan, pumupunta ka. Madalas, wala ka.
“And then there were our dates. Kung hindi ka nali-late, hindi ka naman dumarating. O kung dumating ka man, nagmamadali ka pang aalis. Madalas, si Dean ang nakaka-date ko. Noong nakaraang araw ang appointment natin sa wedding planner, wala ka rin. Si Dean na naman ang pinapunta mo. Kami ba ni Dean ang ikakasal?”
“Selena-“
“Is it too much to ask to become one of your priorities? Kahit hindi naman top priority. Kahit maging pangatlo o pang-apat lang ako sa mga priorities mo, tatanggapin ko.” Namasa ang mga mata ni Selena. “Pero Adam, sobra-sobra naman na ‘to. Sa lahat ng mga naging pagkukulang mo, wala kang narinig sa akin. Kasi mahal kita kaya tinatanggap ko ang lahat ng kaya mo lang ibigay. Pero hindi naman parating magbibigay lang ako ng magbibigay ng walang natatanggap kahit katiting lang na pagpapahalaga. Nauubos din ako, Adam. Napapagod din ako.” Halos pabulong na dagdag niya bago niya pinindot ang end call.
Nanghihinang naupo si Selena sa couch. Sumandal siya sa backrest at mariing ipinikit ang mga mata. Maliit na bagay lang kung tutuusin ang fashion show para sumama ang loob niya ng husto. Wala namang kaso sa kanya ang makasama si Dean lalo na ngayong mas palagay na ang loob niya sa binata at magkaibigan na sila.
Pero iyong mga maliliit na bagay na hindi nagagawa ni Adam para sa relasyon nila, kapag pinagsama-sama ay lumalaki nang lumalaki. Ang masama pa roon ay walang ginagawa ang binata para solusyunan man lang ang problema nila. Ayaw ba talaga siya nitong pakasalan? Kung ganoon ay bakit hindi na lang nito sabihin? Kusa ba siyang pinapasuko nito para siya na lang ang umayaw? Dahil nang mga oras na iyon, natutukso na si Selena na gawin iyon. Natutukso na siyang sumuko.
Sa bawat pagkakataon na binabalewala siya ni Adam, nakakaramdam siya ng panlalamig sa loob niya. At sa halip na mabawasan iyon ay para bang lalo pang nagyeyelo ang puso niya. She wanted so badly to make their relationship work but Adam was not helping her. Pero ano nga ba ang iwo-work out nila? May relasyon nga ba talaga sila? Yes, they kiss. They hug. They hold hands. But only in front of the public.
Comments
The readers' comments on the novel: Once Upon A Time