Login via

Once Upon A Time novel Chapter 9

“YOUR DESIGNS are really fantastic! I can’t wait to see my daughter’s wedding dress designed by you, Selena.”

“Thank you, Mrs. Lim.” Sinikap ngumiti ni Selena sa ina ng isa sa kanyang mga kliyente bago siya magalang nang nagpaalam rito. Nagpunta siya sa isang sulok sa mansyon ng mga Trevino kung saan mas kakaunti ang mga tao. Birthday ng araw na iyon ni tita Leonna, ang ina nina Adam at Dean at ngayon na lang ito muling nagkaroon ng engrandeng party. Dahil sa nakalipas na mga taon simula nang ma-comatosed si tito Bernardo ay naging pribado na lang ang mga selebrasyon sa mansyon ng mga Trevino.

Pero ngayon raw ang taon para sa mga selebrasyon, ayon na rin kay tita Leonna lalo pa at ilang bwan na lang ay ikakasal na raw sila ni Adam. Mahigit tatlong linggo na ang nakararaan simula ng naging pagtatalo nila ni Adam sa restaurant. Hindi pa nagagawang aminin ni Selena sa mga magulang ang totoong sitwasyon nila ng binata.

Sinadya ni Selena na magpahaging minsan lalo na sa kanyang ama na nagkakalabuan na sila ni Adam pero kampante itong maaayos raw nila ng binata anuman ang pinagdaraanan nila. Iginiit nitong anuman ang mangyari ay dapat matuloy pa rin ang kasal nila ni Adam patunay na roon ang patuloy pa ring wedding preparations nila.

Mukhang kahit si Adam ay wala pa ring inaamin sa ina nito. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakikita ni Selena na nag e-exert na kahit paano ng effort ang binata para sa kanila. Ilang ulit itong dumalaw sa bahay niya pero hindi niya ito nilabas. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ito tumitigil sa pagtawag sa kanya kahit pa hindi niya na sinasagot ang mga iyon.

Napahugot si Selena ng malalim na hininga. Hangga’t maari ay ayaw niya na muna sanang makipagkita sa mga Trevino, lalo pa kay Adam. Pero parang nakaramdam ang kanyang mga magulang lalo ang kanyang ama. Sinadya pa siyang daanan ng mga ito sa kanyang bahay para sabay-sabay na raw silang magpunta sa mansyon. Pero pagkarating roon ay sinadya niya ring lumayo sa mesa ng mga magulang. Nagkunwari siyang nag-iikot sa paligid. Dahil sigurado siya na anumang oras ay lalapit sa mesa nila ang mga Trevino at muling mag-uungkat ng tungkol sa preparasyon sa kasal.

Muling napabuntong-hininga si Selena. Kumuha siya ng isa sa mga wine glasses sa hawak na tray ng nagdaang waiter at marahang sumimsim roon bago nababagot na iginala ang mga mata sa napakalawak na hardin ng mansyon. Hanggang sa sala niyon ay may mga tao, mga tao na sa pagdaan ng panahon ay napapagod na siyang harapin, mga tao na puro negosyo at kung paano pa mas magkakamal ng mas maraming salapi at kapangyarihan ang pinag-uusapan, mga tao na ginagawang basehan ang pinagmulan at katungkulan ng kapwa bago pakitunguhan ng mga ito.

Hindi kaila kay Selena ang mga negatibong sinasabi ng mga ito patungkol kay Dean, isang bagay na sa nakalipas na mga taon ay parating nakapagpapainit ng ulo niya. Hindi magawang tanggapin ng mga ito na nakapasok ang isang tulad ni Dean sa sirkulo ng mga ito. Mga matapobre ang mga ito, mga napakatataas ng tingin sa sarili na akala mo kung sino na para bang hindi niya pa alam na ang ilan sa mga ito ay mga gold diggers naman. At saka para namang gugustuhin ng tulad ni Dean na mapabilang sa mga ito.

Geez. Kahit si Selena ay isinusuka ang sirkulong iyon, ang pinagyayabang ng mga itong mundong iyon. Ni hindi niya alam kung paano iyon nasisikmura ng mga magulang. Siguro ay nakasanayan na lang ng mga ito ang ganoon pero siya ay hindi at sa palagay niya ay hindi siya kailanman masasanay.

Agad na napahinto si Selena sa pag-inom ng alak nang mamataan ang kanina pa hinahanap. Magkasunod na dumating ang magkapatid sa mansyon. Si Adam ay nakaitim na amerikana habang nakasuot naman ng asul na amerikana si Dean. Parehong walang itulak-kabigin sa kakisigan ng mga ito. Pero sa kung anong dahilan ay sa iisang partikular na tao lang tumutok ang atensyon niya.

Para bang sandaling nagkaroon ng bara sa kanyang lalamunan. Dean…

Sa nakalipas na mga araw ay ang mga tawag at text messages lang ni Dean ang tinatanggap ni Selena. Ito din lang ang hinahayaan niyang makabisita sa kanyang bahay o opisina. Araw-araw silang nagkikita nito maliban sa araw na iyon. Gustong-gusto niyang naririnig ang boses ng binata.

Bumibilis ang tibok ng puso niya marinig lang ang boses nito. Hindi na naulit pa ang paghalik nito sa kanya simula nang umamin ito ng nararamdaman para sa kanya. At nakakahiya mang aminin pero hinahanap-hanap niya ang halik na iyon. Gusto niyang… maulit muli iyon.

Nanatili ang mga mata ni Selena kay Dean. Muling bumilis ang tibok ng puso niya. Parehong magaling magdala ng sarili ang magkapatid. Si Adam madalas kung maglakad ay para bang siguradong-sigurado sa lulugaran nito, sigurado sa gagawin nito. Habang si Dean naman ay simple lang na para bang iniiwasan ng husto na makaagaw ng atensyon na siyang malabong mangyari dahil sa gandang lalaking taglay nito. Kahit ang mga kababaihan ay natahimik nang dumating ang magkapatid at sa dalawa na lang nakatuon ang mga mata.

Pinagmasdan ni Selena si Dean kung paano nito dalhin ang sarili sa mapagpanggap na sirkulong iyon. May matipid itong ngiti para sa lahat ng nadaraanan. Noon niya na-realized kung gaano siya kaswerte. Dahil sa dinami-rami ng tao ay lumalabas na siya lang ang hinahayaan ng binata na makakita ng buong-buo na ngiti nito.

Naglakad sina Dean at Adam papasok sa mismong loob ng mansyon na sa palagay niya ay para batiin ang ina ng mga ito at para iabot ang dalang mga regalo. Pagkaraan lang ng ilang minuto ay lumabas si Dean na para bang may hinahanap. Hindi nagtagal ay nagtama ang kanilang mga mata.

Hindi nakaligtas kay Selena ang pangingislap ng mga mata ng binata. Para bang sandali itong nag-alinlangan bago ito naglakad palapit sa kanya. Hindi na tumigil sa malakas na pagkabog ang kanyang dibdib. Habang naglalakad ito ay nabigla siya sa iba pang mga nakita niya kasabay ng pagdagsa ng mga realisasyon sa sistema niya.

“Hello there, princess. You look… breathtaking tonight.” Pabulong lang halos na sinabi ni Dean para makasiguro na walang ibang makakarinig.

Nakasuot si Selena ng simpleng puting gown na humahakab sa kanyang katawan. Sleeveless iyon at nagpalitaw ng malaking bahagi ng kanyang likod. Isa iyon sa mga disenyo niya na higit na naging kapansin-pansin dahil nakatali pataas ang kanyang buhok. Mula pa nang dumating siya sa party ay ilang ulit na siyang nakatanggap ng mga humahangang tingin mula sa mga kalalakihan. Ilang ulit na rin siyang nakatanggap ng mga papuri pero iba ang dating sa kanya nang si Dean na ang mismong pumuri sa kanya.

Comments

The readers' comments on the novel: Once Upon A Time