Login via

The Fall of Thorns 2: Austin McClennan novel Chapter 3

“WHAT? Anong oras siya umalis?” sumasakit ang ulong tanong ni Austin kinabukasan. Sa kauna-unahang pagkakataon ay ginusto niyang sigawan ang mga kasambahay. “Bakit hindi n’yo man lang siya pinigilan?”

Mag-aalas-siyete na siya nagising nang umagang iyon dahil madaling-araw na ng dalawin siya ng antok na epekto ng estrangherang nasa ikalawang palapag ng mansiyon. Hindi na ito nawala pa sa kanyang isipan kaya binantayan niya ng ilang oras bago siya nagpunta sa kanyang kwarto. Sa paggising ay umaasa siyang malalaman man lang niya ang pangalan ng dalaga pati na ang contact number nito. Gusto niya itong kilalanin. Gusto niyang makita at makausap ito uli.

But he just lost his chance. Parang bulang naglaho na lang ang estranghera.

“Mag-aalas-singko po ng umaga, Sir,” nakayukong sinabi ni Esmeralda. “Ako lang po ang nakakita sa kanya dahil nasa kusina po ang iba at naghahanda ng almusal. Sinubukan ko naman po siyang pigilan pero nagmamadali po siyang makaalis. Nakahiyaan ko naman na po kayong gisingin dahil nang sumilip ako sa kuwarto n’yo ay tulog na tulog kayo. Hinayaan na po siya ng guard na makalabas. S-sorry po talaga, Sir.”

“Wala man lang ba siyang sinabi o ibinilin sa `yo?”

“Salamat daw po, Sir. Iyon lang po.”

“Wala na?” pagpupumilit pa rin ni Austin. “Iyon na ‘yon? Sigurado ka ba? Baka may sinabi pa siya pero nakalimutan mo lang. Alalahanin mong mabuti, Esmeralda.”

“Iyon lang po talaga, Sir.”

“Heck.” Napahawak si Austin sa kanyang noo mayamaya ay iritadong tinalikuran ang kasambahay. Bumalik siya sa guest room sa pagbabaka-sakaling may naiwan ang estranghera roon na kahit na ano. Pero maliban sa maayos na nakatuping mga damit niya na suot ng dalaga noong nagdaang gabi ay wala na.

Napahugot siya ng marahas na hininga at nagmamadaling nagpunta sa sariling kwarto. Mabilis siyang naligo at nagbihis.

Dumeretso siya sa garahe at mabilis ding iminaniobra ang kanyang sasakyan. Naalerto namang binuksan ng guard ang gate. Pinaharurot niya na ang kotse.

Bumalik si Austin sa bar at dahil maaga pa ay sarado pa iyon kaya nagpunta siya sa parking lot at inikot iyon sa pagbabaka-sakaling bumalik doon ang dalaga dahil alam niyang may kotse ito, palatandaan ang susi na isa sa mga nakita niya sa purse nito pero wala siyang nakita ni anino ng dalaga roon.

What was he thinking? Siyempre kung bumalik man doon ang dalaga ay talagang hindi niya na maaabutan dahil madaling-araw pa ito nang umalis. Bakit niya ba kasi iniwan ang purse ng dalaga sa bedside table sa kwarto nito? Dapat ay itinago niya na muna iyon pansamantala para makasiguro siyang hindi ito tatakas kaagad kinabukasan.

On second thought, malay niya ba namang aalis ang dalaga nang ganoon na lang? Frustrated na nahampas ni Austin ang manibela pagkatapos ay dismayadong nagmaneho na siya papunta sa kanyang opisina. Alas-nuwebe y medya na ng umaga nang makarating siya roon. Iyon ang kauna-unahang pagkakataon na na-late siya sa pagpasok. All because of a woman who did not even bother to leave a single trace about her. Damn it.

Kauupo pa lang ni Austin sa kanyang swivel chair nang walang pasintabing magkasunod na pumasok doon ang dalawang kapatid. Parehong nakangisi ang mga ito. Nag-init ang ulo niya.

“What?” kaagad na singhal niya.

Tumawa si Alano. “Si bunso, nagsusungit na. Late ka na nga, eh. Ikaw pa ang maangas. Ano ba’ng nangyari?” nanunukso ang boses nito, binalewala ang hindi magandang pagsalubong niya. “Natuwa si Nana Cora.” Tukoy nito sa mayordoma sa kanilang mansiyon. “She called me last night. Sa kauna-unahang pagkakataon, may iniuwi ka raw na babae sa bahay.”

“And here I thought you’re gay. Kaya nag-aalala na ako sa `yo, Austin,” panggagatong pa ng nakangisi pa ring si Ansel. “You don’t party. You don’t go to any bar. You don’t drink. You’ve been the epitome of a saint for the past years. Kaya naman proud na proud sa `yo si Mama. Pero lasing daw ang iniuwi mo kagabi sabi ni Nana. At nag-sleepover pa sa bahay. May kalokohan ka rin palang itinatago, bunso. Mag-celebrate tayo. I should have met your girl but I got hooked up at the bar last night. Doon na ko nakatulog.” Napakamot ito sa batok. “Sayang kasi ang sorpresa ni Alano sa `yo kagabi. He paid for them already.” Pilyong ngumiti ito. “Kaya ako na lang ang sumalo. Sinorpresa ko na lang ang sarili ko sa kanila—”

“Shut up!” madilim na ang anyong sinabi ni Austin. “I don’t know that woman, all right? I didn’t even get her name, damn it! Bigla na lang siyang naglaho na parang bula kaninang madaling-araw.”

“And so the nerd can curse,” amused na sinabi ni Alano. “Gusto mo ba siya?”

Marahas na napabuntong-hininga si Austin. “Gusto ko siya. Gustong-gusto. Being with her last night seemed a lot better than staying here. Watching her sleep was so much better than watching Nat-Geo.” Problemado pa ring naihilamos niya ang palad sa mukha. “I like her… wild, drunk, tease, and all that.”

NANIKIP ang dibdib ni Maggy habang naglalagay ng mga prutas sa tapat ng nakakwadradong litrato ng mga magulang sa bedside table. Diniinan niya ang gilid ng mga mata para pigilan ang nakaambang pagluha. Death anniversary ng mga magulang nang araw na iyon.

Ilang sandali pa ay nag-ring ang cell phone niya. Hindi niya na kailangang silipin pa iyon para malaman na ang kakambal ang nasa kabilang linya. Iyon ang kauna-unahang pagkakataon na ipagdiriwang nila ang death anniversary ng mga magulang nang magkahiwalay. Kadalasan din ay kasama nila si Clarice sa mga ganoong sandali dahil kasabay binawian ng buhay ng mga magulang nila ni Yalena ang ama nito.

“Are you all right?” kaagad na bungad ni Yalena nang sagutin niya ang tawag. Bakas ang pag-aalala sa boses nito. “Hindi na muna ako papasok ngayon. Sa mga ganitong pagkakataon, hindi ko mapigilang hilingin na sana kasama kita. I… I can’t handle the loneliness here.”

Mariing nakagat ni Maggy ang ibabang labi. Kahit pa pinatapang na ng mga nakalipas na taon ang kakambal ay may mga panahon pa ring binabangungot ito tungkol sa mga pinagdaanan nila noon. Napahugot siya ng malalim na hininga.

“Sometimes, I wonder when the pain will end, Yana,” sa wakas ay sagot ni Maggy gamit ang palayaw ng kapatid. “I miss our parents so badly.”

“Me, too.” Narinig niya ang pagbuntong-hininga ni Yalena sa kabilang linya. “But we will get through this, Maggy, I promise. Ngayon lang naman `to. We need closure desperately so we can finally move on. And that closure will be Benedict’s downfall. Kailangan nating bigyan ng hustisya ang pagkamatay ng mga magulang natin.”

“Alam ko.” Napahugot muli si Maggy ng malalim na hininga. “Sana lang ay matapos na rin ito kaagad. It was exactly sixteen years now, Yana. We’ve been carrying the pain and grief in our hearts that long.”

Ilang sandali pa ay tinapos na niya ang usapan nila ng kakambal. Pabagsak na naupo siya sa kama at muling napatitig sa nakangiting litrato ng mga magulang. Kahit saan siya magpunta ay dala niya iyon. Every morning she wake up and every night before she sleep, she would look at that picture to remind herself to never lose focus no matter what happens.

Muling inatake ng sakit ang puso ni Maggy nang maalala kung paano nasawi ang mga ito labing-anim na taon na ang nakararaan nang araw na iyon.

Trese anyos sila noon ng kakambal habang magtetrese naman si Clarice nang sabay-sabay na dumating ang magkakasunod na problema sa mga buhay nila. Sumabog ang sasakyang kinalululanan ng mga magulang niya kasama ang ama ni Clarice. Iisang kotse lang ang nagkataong sinasakyan ng mga ito noon papunta sa presinto para magsampa ng kasong arson laban kay Benedict McClennan.

Kung tutuusin ay nadamay lang ang mga magulang nila ni Yalena sa alitan nina Roman, ang ama ni Clarice, at Benedict McClennan patungkol kay Carla, ang asawa ni Roman. Matagal nang may gusto kay Carla si Benedict pero binasted ito ng una dahil si Roman ang itinitibok ng puso nito. Pagkalipas ng halos sampung taon ay muling nagkita ang mga ito. Nagpanggap si Benedict na nakalimutan na nito ang lahat at nakipag-ayos sa mag-asawang Alvero.

Dahil may sariling pamilya na rin si Benedict nang mga panahong iyon ay tinanggap na rin ito ng mga magulang ni Clarice. Hindi nagtagal ay nagpahayag ito ng interes sa ADL o ang Alvero-De Lara Oil and Mining Corporation na pinagsososyuhan ng matalik na magkaibigang Roman at Vicente, ang kanyang ama.

Comments

The readers' comments on the novel: The Fall of Thorns 2: Austin McClennan