Login via

The Trouble With Good Beginnings novel Chapter 8

“I’M SORRY. It was my fault.” Puno ng pagsisising wika ni Hailey habang pinagmamasdan ang pag-eempake ni Cedrick pabalik sa Pilipinas. Kahit na wala itong sinasabi sa kanya ay alam niyang nasasaktan ito dahil bakas iyon sa mga mata nito.

Tinawagan ng kanyang mga magulang ilang gabi na ang nakararaan si Cedrick at ipinaalam na ikakasal na ang kakambal niya. Gusto ng mga itong imbitahin ang binata. Hindi alam ni Hailey ang bagay na iyon dahil iniwasan niyang makibalita sa mga nangyayari sa Pilipinas. Pinalitan niya ang numero niya para hindi siya ma-contact ng kanyang pamilya dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay ayaw niya nang maging pasakit pa sa mga ito. But in the process, she became Cedrick’s burden.

“Pero ikakasal pa lang naman siya. May pag-asa ka pa.”

“Ang pag-asang makita siya bago siya ikasal ang siyang meron na lang ako ngayon, Hailey.”

Mariing nakagat ni Hailey ang ibabang labi. Mula noon hanggang ngayon ay kontrabida talaga siya sa buhay ng mga taong nakapaligid sa kanya. Iyon siguro ang dahilan kaya pinarurusahan na siya ng tadhana. “Baka magbago pa ang isip niya kapag inamin mo ang nararamdaman mo para sa kanya.”

“What for?”

“Holly loved you first, Rick.”

Natigilan ang binata. Mga bata pa lang sila ay mahal na ni Cedrick si Holly at alam niyang ganoon rin si Holly. Ang dalawa ang orihinal na malapit sa isa’t isa. Parating magkasama ang mga ito noon. Napansin iyon ng mga magulang niya at nag-alala. Palihim na kinausap ng mga ito si Cedrick sa library ng kanilang mansyon noon. Alam ni Hailey ang lahat ng iyon dahil palihim na sumunod siya sa mga ito noon at nakinig sa usapan ng mga ito.

Tinanong ng mga magulang kung ano ang nararamdaman ni Cedrick para kay Holly. Dinig na dinig niya ang ginawang pagtatapat ng binata. Pero masyado pa raw bata ang mga ito lalo na si Holly. Nangamba ang mga magulang niya na baka maging mapusok ang dalawa lalo na at parating magkasama. Kaya ang mga magulang niya ang kumumbinse kay Cedrick na sundin ang suhestiyon ng ama nito na sa ibang bansa na magpatuloy ng pag-aaral. Kung sa pagbabalik daw ng binata sa bansa at pareho pa rin ang nararamdaman nito at ni Holly para sa isa’t isa ay hindi na daw pipigilan ang mga ito ng mga magulang niya.

Tumupad si Cedrick sa usapan at bumalik sa Pilipinas may dalawang taon na ang nakararaan. Pero nakialam si Hailey. Nang malaman niyang bumalik na sa sariling bansa si Cedrick ay sumunod na rin siya roon mula New York. Dahil mahal niya rin ang binata. Ilang ulit niya itong binisita noong nag-aaral pa ito pero iba ang parating hinahanap nito. Nagrebelde siya lalo na at noong bumalik na ang binata sa Pilipinas ay malaya na nitong nakakasama si Holly.

Isang araw ay nagpanggap si Hailey bilang Holly. Isinuot niya ang mga damit ng kakambal at ginaya ang mga kilos nito. Noong panahong iyon ay alam niyang parating rin si Holly sa mansyon nina Cedrick dahil may usapan na magkikita ang mga ito. Naghanda si Cedrick at ipinaayos ang buong hardin roon dahil alam niyang plano na nitong magtapat sa kakambal niya. Hinalikan niya ito at dahil ang akala nito ay siya si Holly ay agad itong gumanti ng halik, isang tagpo na siyang naabutan ng kakambal niya. Nang oras din na iyon ay idineklara niyang may relasyon na sila ni Cedrick sa pagkabigla ng dalawa.

Holly immediately walked out. Mukhang hindi na nito napuna ang bihis niya dahil pinangunahan na ito ng emosyon nito. Iyon ang kauna-unahang pagkakataon na nakita ni Hailey na nagalit ng husto si Cedrick.

“You’re Hailey all these time?” Naalala niyang hindi makapaniwalang bulalas pa ng binata matapos magtatakbo ni Holly palayo.

“How could you!” Sunod-sunod na mararahas na hininga ang pinakawalan ng binata. Alam ni Hailey na natutukso na itong saktan siya pero hindi nito ginawa. Mayamaya ay hinawakan siya nito sa braso at hinila palabas. “Samahan mo ako, utang na loob. Tulungan mo akong ipaliwanag kay Holly ang lahat. Maaayos pa namin ‘to-“

“Hindi na.” Bumitaw si Hailey mula sa pagkakahawak ni Cedrick.

“Hailey, what in the world are you doing-“

“Be mine, Rick.” Sa halip ay nakikiusap na wika ni Hailey. “Akin ka na lang. Mahal kita. Noon pa. Bigyan mo ako ng chance at ipinapangako ko na-“

“Hailey,” Napahawak si Cedrick sa noo nito. “I’m flattered, believe me. But it had always been Holly for me. Wala ng iba. Siya lang. Kaya kung totoong mahal mo ako, tutulungan mo akong maging masaya. Tutulungan mo akong magpaliwanag sa kakambal mo-“

“Hindi!” Mariing sagot ni Hailey dala ng pinaghalong sakit at pagkabigo. “Kung hindi ka papayag na makipagrelasyon sa akin, sasabihin ko kina mommy at daddy na paulit-ulit na may nangyari sa atin sa Amerika pero ayaw mo akong panagutan.”

Malakas ang loob niyang sabihin iyon dahil alam ng mga magulang niya na madalas sila kung magkita noon ni Cedrick sa Amerika, noon pang kaibigan ang turing nito sa kanya kaya pinakikiharapan siya nito. Hindi nagawang makabisita noon ni Holly kay Cedrick dahil pinipigilan ng mga magulang. At masunurin ito, marunong maghintay sa pinaniniwalaan nitong ‘tamang panahon’ hindi gaya niya.

Noong nasa New York siya ay madalas niyang puntahan si Cedrick. Ilang beses siyang nagpadala ng larawan sa pamilya niya sa Pilipinas para inggitin si Holly. Hailey was that selfish. Ilang ulit rin siyang naabutan sa condo ng binata ng mga magulang ni Cedrick. Ang akala pa nga ng mga ito noon ay sila ng anak nito ang magkarelasyon.

“They won’t believe you.” Ani Cedrick mayamaya.

Tumaas ang isang kilay ni Hailey. “Really? At sinong mas paniniwalaan nila? Ikaw na hindi nila kadugo? Na hindi nila nakasama ng ilang taon? I’m a Lejarde, Cedrick. They will believe me no matter what. I have ways to make them do so.”

Dahil sa naging pamba-blackmail niya ay naging sila ni Cedrick pero sa mga mata lang ng ibang tao. Alam niyang natatakot rin itong masira ang reputasyon nito sa pamilya niya pati na ang relasyon ng ama nito sa kanyang pamilya lalo na at vice-president ng kompanya nila ang ama nito. Nabigla man ang mga magulang ni Hailey ay tinanggap pa rin ng mga ito si Cedrick habang umiwas naman sa kanila si Holly. Ilang bwan lang ang itinagal ng relasyon nila, kung relasyon nga ba iyong matatawag. Sa huli ay hindi niya rin kinaya ang malamig na pakikitungo nito sa kanya.

Bago si Cedrick ay marami na rin naging boyfriend si Hailey sa pag-aakalang malilipat sa mga iyon ang nararamdaman niya para sa binata pero nagkamali siya. Iyon ang dahilan kaya hindi tumagal ang mga naging relasyon niya sa iba. Matapos nilang opisyal na maghiwalay sa mga mata ng lahat ay naging abala si Cedrick sa trabaho dahil tuluyan ng ipinamana ng tiyuhin nito ang pag-aari nitong ospital sa binata. Naging director si Cedrick roon. Ang alam ni Hailey ay nagkasunod-sunod ang mga problemang kinaharap noon ng ospital.

Ilang bwan ang lumipas bago nagawang puntahan muli ni Cedrick si Holly pero naging mailap na rito ang kanyang kakambal. Iyon na ang huling balita niya dahil kung ano-ano nang komplikasyon ang pinasok niya matapos ang relasyon nila ni Cedrick. Hanggang isang araw ay nakilala niya si Athan Williams. More crazy and unexpected things happened that drew her and Cedrick together in the States. Sinamahan siya ng binata sa Amerika.

Dahil sa kanya ay lalong naudlot ang dapat ay panunuyo muli ni Cedrick kay Holly. At ngayon ay ikakasal na ang kakambal sa isang lalaking nagngangalang Aleron Silva. Napailing si Hailey. Katulad pa iyon ng pangalan ng kapatid ni Athan.

“Sana nga ay pwede kong panghawakan ang sinabi mong ‘yan, Hailey. Pero pareho nating alam na hindi lahat ng unang minamahal, nagtatagal. Not because I was lucky to be the first man she fell in love with would mean I would also be the last.”

Nahinto sa pag-iisip si Hailey nang marinig ang mga sinabing iyon ni Cedrick. Muling bumalik ang atensyon niya sa binata. Tapos na ito sa pag-eempake. “Bakit ikaw, hanggang ngayon ay mahal mo pa rin si Holly?” Hindi na sumagot ang binata. Lalong bumigat ang nararamdaman niya. “Sana kahit minsan, sumbatan mo man lang ako, Cedrick. Sana sisihin mo naman ako sa mga nagawa kong pagkakamali sa ’yo para gumaan naman ang loob ko.”

Tumayo si Cedrick mula sa kama at hinila ang maleta nito. Lumapit ito sa kinauupuan niyang couch. Handang-handa na ito sa pag-alis.

“Many times, I must admit, I wanted to blame you, Hailey. Ginusto kong magalit sa ’yo pero hindi ko magawa. Maybe because at the end of the day, pareho lang tayong tanga.” Nagkibit-balikat si Cedrick. “Mga tangang naipit sa isang sitwasyon.” Marahang hinagkan nito sa noo si Hailey. “I hate to leave you.” Puno ng pag-aalalang wika nito.

Comments

The readers' comments on the novel: The Trouble With Good Beginnings